LUMULUTANG isa-isa ang mga babaeng biktima ng panggagahasa at panghoholdap ng isang rapist sa madilim na lugar ng Abad Santos, Maynila.
Ito ay makaraang personal na magtungo sa himpilan ng pulisya ang dalawa pang babaeng biktima umano ng panggagahasa ng suspek na si Mac Molina.
Nadakip ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng MPD-Station 7 noong Martes matapos mapanood ang kuha sa closed-circuit television CCTV kung paano nito kinaladkad ang isang babae.
Ayon sa biktimang ‘di pa pinangalanan nakita sa CCTV, nagpipiglas ito habang ipinapasok siya sa isang nakaparadang jeep sa gilid ng bangketa.
Ibinibigay, aniya, nito ang kanyang pera at cellphone ngunit iba umano ang gusto ng suspek at iyon ay makuha ang kanyang pagkababae dahilan upang magpipiglas hanggang sa tuluyan nang makatakas.
Agad itong nagsumbong sa kanyang magulang dahilan upang mag-report naman sa pulisya.
Mariin namang itinanggi ng suspek ang akusasyon laban sa kanya .
Nanawagan naman ang pulisya sa naging biktima pa ng suspek na lumantad upang pormal na masampahan ng kaukulang kaso ang suspek.
The post 2 pang biktima ng naarestong rapist sa Maynila, lumutang appeared first on Remate.