NABALOT ng tensiyon ang isang eskuwelahan matapos na sumugod ang mga magulang ng mag-aaral sa balitang mayroong bomb threat sa nasabing eskuwelahan kahapon ng umaga sa Marikina City.
Dakong alas-9:00 ng umaga nang magkagulo sa Nangka Elementary School sa Brgy. Nangka dahil umano sa mayroong nakatanim na bomba at nakatakdang sumabog.
Hindi rin nakaligtas ang tanggapan ni Marian de Guzman, principal ng nasabing paaralan nang sumugod ang mga magulang para ipaalam ang banta ng bomba dahilan para ipag utos na palabasin ang lahat ng mag-aaral at dalhin sa covered court para sa pansamantalang evacuation area.
Mabilis ring inireport sa himpilan ng pulisya ang nagaganap na kaguluhan kung saan ay mabilis na rumisponde ang mga ito kasama ang bumbero at rescue team na siyang namahala sa kaayusan.
Makalipas ang ilang oras ng pagsisiyasat ng bomb squad ay nagresulta sa negatibo kung kayat pinabalik na ang mga bata sa kani kanilang silid aralan.
Inaalam na nang pulisya ang ulat na isang estudyante lamang ang nagbiro na sinakyan naman ng iba pang mga estudyante.
Gayunman ay sinuspinde na ang pang umagang klase habang ang sa hapon ay itinuloy.
The post Eskuwelahan nabulabog ng bomb threat appeared first on Remate.