TALIWAS sa naunang nalathala sa media, walang nakitang P100,000 cash o suicide note sa mesa ng opisina ni Cagayan de Oro Rep. Jose Benjamin “Benjo” Benaldo ang Quezon City Police District (QCPD) investigators ilang minuto bago naganap ang pagbaril nito sa sarili.
Ito ang inihayag ni Senior Superintendent, Procopio Lipana, deputy director for operations ng QCPD na wala silang nakitang halaga ng pera o maging sulat nang halughugin nila ang tanggapan ng mambabatas para maging ebidensya sa insidente nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Lipana, pinasok niya at ng kanyang mga tauhan ang opisina ni Benaldo dakong alas-8 p.m., o may isang oras matapos na matagpuan si Benaldo ng kanyang staff habang nagdurugo ang dibdib mula sa isang tama ng baril.
Saksi ang chief of staff ni Benaldo at ang House sergeant-at-arms nang halughugin ng kapulisan ang opisina ni Benaldo para sa kaukulang ebidensya.
Gayunman, aminado naman si Lipana na hindi na intact o nagalaw na ang scene of the incident nang sila ay dumating sa lugar.
Bilang pagpapatunay nito, ang pagkakarekober aniya ng 9mm pistol ni Benaldo sa isa pang mesa sa loob ng kanyang opisina. Ang mesa ang lokasyon ay malapit sa pintuan, malayo mula sa blood-stained desk na inookupa ng naturang mambabatas nang maganap ang insidente.
Narekober ng QCPD ang isang 9-mm handgun sa loob ng opisina ni Benaldo at bullet fragments sa loob ng personal room ni Benaldo. Lumabas din sa talaan ng Philippine National Police’s Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) na ang permit to carry ng baril ni Benaldo ay paso na noon pang Marso 22, 2012.
Sa kasalukuyan, si Benaldo ay nakarekober na sa Coronary Care Unit ng St. Luke’s Hospital sa Quezon City.
The post Walang P100K o suicide note sa opisina ni Benaldo appeared first on Remate.