ISANG malaking palaisipan sa mga awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng isang 20- anyos na babae na apat na buwang buntis sa loob ng kanilang inuupahang bahay sa Novaliches, Quezon City kagabi Hulyo 1, 2013.
Kinilala ang biktima na si Michelle Gumagda na natagpuang patay sa loob ng kanilang inuupahang bahay sa Pabalang Compound, Rebisco Road, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, QC.
Nabatid sa imbestigasyon ni P03 Jaime de Jesus ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang bangkay ng biktima na nakatihaya at may marka sa leeg ng pagkakasakal ng hindi pa mabatid na bagay sa loob ng kanilang inuupahang bahay dakong 10:00 ng gabi.
Sa pahayag ng live-in partner ng biktima na si Ajr Pabia nawawala umano ang P30,000 pera nila na nakatago sa isang Teddy bear na ipon nilang dalawa.
Ayon sa pulisya nadiskubre ang bangkay ng biktima matapos dumating ang kinakasama nito at dahil walang nagbubukas ng pintuan sa kabila ng paulit-ulit nitong pagkatok pinilit na sinira ang pintuan ng kanilang inuupahan at dito na nadiskubre ang bangkay ng biktima.
Sinisiyasat na ng mga operatiba ng homicide section ng CIDU ang naturang insidente.
The post 4 na buwang buntis natagpuang patay sa inuupahang bahay appeared first on Remate.