PINANGUNAHAN kaninang umaga ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang pamamahagi ng may 22,603 pistols sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) bilang parte ng gobyerno na ma-armasan ng baril ang bawat pulis sa bansa.
Si Aquino, na isang gun enthusiast, ang mismong nag-abot ng bagong Glock 17 Generation 4 pistols sa ilan sa mga PNP officers sa ikinasang turnover ceremonies sa National Police headquarters sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon sa PNP, ang bawat baril ay binili ng P16,569, mas mababa sa kasalukuyang retail price na P40,940. Ipinagmalaki pa ng PNP na nakatipid ang gobyerno ng may P200 milyon sa pagbili ng baril.
Ayon sa Glock website, ang Glock 17 ay ang pinaka-popular na baril sa buong mundo. Ang unit na ibinigay sa mga PNP officers ay may reversible enlarged magazine catch at dual recoil spring assembly, na ilan lamang sa mga angking katangian nito.
Ang pamamahagi ng baril ni Pangulong Aquino ay parte ng 74,879 handguns na pinagsikapan ng PNP na bahagi ng P1 bilyon kontrata na nilagdaan noong Setyembre para mapunan ang kakulangan ng armas ng puwersa ng kapulisan.
Ang handgun contract ay nilagdaan nitong nakaraang taon makaraang humarap sa Senate inquiry ang PNP at ang Department of Interior and Local Government (DILG) officials sa plano nitong bumili ng overpriced assault rifles. Hindi na itinuloy ng PNP ang rifle deal.
The post 22,603 bagong baril, ipinamahagi sa PNP officers appeared first on Remate.