PINAGKALOOBAN ng Philippine National Police (PNP) ang mga miyembro ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ng 20 units ng mountain bikes para gamitin sa anti crime campaign.
Pinangunahan ni PNP chief Director General Alan Purisima, ang turn-over ceremony sa Boracay kaninang umaga lamang.
Ayon kay Purisima sa pamamagitan ng naturang mga bisikleta ay mapapabilis ang pag-responde sa mga krimen sa isla.
Napag-alaman na pangunahing layunin din nito na mas mapalawak ang area of responsibility ng mga pulis lalo na sa oras ng kanilang pagpapatrolya.
Una rito, ang 20 mga miyembro ng BTAC ay sumailalim din sa bicycle training may dalawang linggo na ang lumipas sa Camp Martin Delgado sa Iloilo City.
Ito ang pinakaunang batch ng training para sa bagong programa ng PNP at ang unang focus nito ay sa Western Visayas lalo na sa mga tourist destination kagaya ng isla ng Boracay.
Samantala, kasabay sa turn-over ceremony isinagawa rin ang ground breaking ceremony para naman sa ipapatayong PNP Tourist Training School sa Sitio Bantud, Brgy. Manoc-Manoc sa nasabi ring isla.
The post 20 mountain bikes, ipinagkaloob ng PNP sa Boracay appeared first on Remate.