NAGHAIN ng reklamo ang kamag-anak ng isang pasyente sa Department of Health (DOH) upang maimbestigahan ang umano’y kapabayaan ng mga doktor at nars sa United Doctors Medical Center (UDMC) sa Quezon City.
Sa reklamo ni Jonah Mallari, kapatid ng pasyente, Mayo 21 nang ipasok sa UDMC ang pasyente dahil sa sakit na pneumonia at makaraan ang dalawang araw ay inilipat ito sa Intensive Care Unit (ICU) matapos na mahirapan sa paghinga.
Noong Mayo 25, ay natanggal umano ang tube na nakakabit sa ventilator machine ng pasyente na naging dahilan upang mawalan ng suplay ng oxygen ang kanyang utak at nagdulot ng matinding brain damage sa pasyente. Inabot ng 40 araw sa ICU ang pasyente.
Noong mga panahon yun, aniya, ay nakatali ang kamay at paa ng pasyente kaya ipinagtataka ng pamilya kung paano ito nahugot sa kanyang bibig.
Dagdag pa ni Mallari, inabot din ng higit 20 minuto ang mga doctor bago muling naikabit ang tube.
Nang tanungin niya umano ang resident doctor na si Dr. Edgar Aliangan kung bakit natagalan sila na maibalik ang tube ay ikinatwiran nito na busy sila nag-aassist sa ibang pasyente.
Wala umanong sapat na doktor at nars sa naturang ospital upang agad na matugunan ang mga pasyente sa ICU. Nabatid na 2 lang ang nars na naka duty habang nasa 8 bed ang ICU.
Inirereklamo rin ni Mallari ang umano’y maling impormasyon na ibigay sa kanya ni Dr. Aliangan dahil napansin niya na tumitirik ang mata at nanginginig ang buong katawan ng pasyente.
Tinanong umano niya si Dr. Aliangan kung bakit ganun ang kondisyon ng pasyente at sinagot umano siya ng doctor na “Okay lang yun, at least may movement ang pasyente, at hindi comatose”.
Subalit nang dumating ang primary consultant kinabukasan ay sinabihan umano siya na hindi okay na tumitirik ang mata dahil ito ay ‘seizure’ at indikasyon na walang suplay ng oxygen ang utak.
Nagtaka si Mallari kung bakit hindi agad binigyan ng gamot kontra seizure ang pasyente na noon ay magdamag na kinukombulsyon, at nagpatindi pa sa brain damage ng pasyente.
Dagdag pa ni Mallari, hindi sana lalala ang kundisyon ng pasyente kung naging maagap lang sana ang mga doctor sa pagbalik ng tube, at kung tiniyak nila na mahigpit ang pakakabit sa pasyente na noon ay nakatali pa ang mga kamay at paa.
Hindi rin umano katanggap-tanggap sa pamilya na idahilan ng mga doctor na busy sila sa pag intindi sa ibang pasyente kaya hindi kaagad naasikaso ang kanyang kapatid.
Dahil dito, hiniling ni Mallari sa DOH na imbestigahan ang UDMC, upang mabatid kung nagkulang sila sa paghawak sa pasyente upang hindi na ito maulit pa sa ibang pasyente.
Nabatid na ang pasyente ay dinala sa UDMC na malakas pa at nakalalakad subalit ngayon ay hindi na nakakausap simula nang mahugot ang tube sa bibig.
Humihingi umano sila ng medical records sa UDMC subalit nagbanta ang doktor na hindi sila bibigyan dahil sa ginawa nilang pagrereklamo.
The post UDMC inireklamo sa DOH appeared first on Remate.