AGAD na nasawi ang tricycle driver nang mahagip ng sasakyan ng militar sa Balagtas bypass Road, Barangay Cutcut, Guiguinto, Bulacan kaninang medaling araw.
Nakilala ang nasawi na si Richard Vendivil, 36, habang sugatan ang pasahero ng tricycle na si Maricris Vizconde, 25.
Apat din sa mahigit 20 sakay ng military truck ang nasaktan kabilang sina Col. Ramil Placedes, drayber ng trak, Private First Class Eulavio Espejo, PFC Benito Quitoras at isang PFC Buagas.
Nabatid na pauwi na mula sa pinagtatrabahuhan sa palengke si Vizconde at sumabay na sa kapitbahay na si Vendivil bandang alas-2:00 ng madaling araw.
Ayon kay Vizconde, binabaybay nila ang bypass road, pakanan sa Rizal St. nang biglang may bumangga sa driver’s side at nawalan siya ng malay.
Nawalan umano ng kontrol ang drayber ng military truck na minamaneho ni Placedes kaya tumawid sa kabilang lane at tuluyang nahulog sa palayan.
Habang tumilapon naman ng ilang metro si Vendivil at nasawi.
Ayon kay PO2 Sonny Berboso, imbestigador ng Guiguinto police, nanggaling sa Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan ang limang military truck sakay ang mga sundalong kasapi ng 1st Scout Ranger Regiment ng Special Operation Command ng Philippine Army patungo sana sa Metro Manila para bilang augmentation force na magpapanatili ng kaayusan at katiwasayan sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino sa Lunes.
Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries with damage to properties si Corporal Placedes.
Kinumpirma naman ng team leader ng nadisgrasyang opisyal, handa silang tumulong sa mga biktima.
The post Tricycle vs military truck: Drayber todas, 5 sugatan appeared first on Remate.