ISANG sama ng panahon ang mahigpit na binabantayan ngayon ng PAGASA na nagbabanta sa Katimugang Luzon, Visayas at Mindanao na maaaring magdala ng pag-ulan sa naturang lugar.
Ayon kay Alvin Pura, weather forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA), alas-10:00 ng umaga nang namataan ang sama ng panahon sa layong 450 kilometro sa Silangan ng General Santos City.
Sinabi ng Pagasa na ang namataang sama ng panahon ay nakapaloob pa rin sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ) o ang pagsasalubong ng hangin mula sa magkakaibang direksyon kaya malaki ang posibilidad na lumakas at maaaring maging bagyo ang nasabing sama ng panahon.
Nabatid pa sa PAGASA na kung magiging bagyo ang naturang sama ng panahon ay tatawagin itong bagyong Jolina.
Samantala, ang Metro Manila at ibang bahagi ng Luzon ay posibleng ulanin bunga naman ng isolated thunderstorm at habagat na nagmumula sa West Philippine Sea.
The post LPA nagbabanta sa Visayas-Mindanao appeared first on Remate.