MARIING ipinag-utos ni Pasay City Mayor Antonino “Tony” Calixto sa Tricycle Pedicab Franchising Regulatory Office (TPFRO) at Pasay Traffic Management Office (PTMO) na linisin ant isayos ang iba’t ibang terminal ng tricycle sa lungsod.
“Ang mabilis na daloy ng trapiko ay mahalaga sa lahat. Kaya inatasan ko ang mga opisina ng Pamahalaang Lungsod na tiyakin na ang iba’t ibang terminals dito sa Lungsod ng Pasay ay sumusunod sa mga panuntunan ng Tricycle Code,” ani Mayor Calixto.
Alinsunod sa kautosang ito, agarang nagsagawa ng operasyon ang mga kawani ng Tricycle Pedicab Franchising Regulatory Office (TPFRO) at Pasay Traffic Management Office (PTMO) sa waiting area ng Don Carlos Revilla Tricycle Operators and Drivers Association (DCRTODA) sa ilalim ng Aurora Blvd. (Tramo) Fly-over noong Biyernes.
Sa nasabing operasyon, apat (4) na tricycle ang na-impound dahil walang prankisa ang mga nasabing sasakyan at wala ding drivers license ang mga nagmamaneho nito. Apat (4) din ang nabigyan ng Ordinance Violation Receipt.
Ayon sa alkalde, layunin ng kanyang direktiba na mahuli ang mga drayber na nagmamaneho ng mga “colorum” tricycle o yaong mga walang kaukulang prangkisa mula sa City Hall.
Hangad din ng nasabing kautusan na sila ay mabigyan ng kaukulang “penalty” kabilang na rito ang pagkaka-impound ng mga nasabing colorum tricycles. Layunin din ng nasabing aksiyon na mahuli ang mga tricycle drivers na nagmamaneho ng walang karampatang “driver’s license”.
Batay sa Section 29 ng Ordinance No. 4417, ang mga tricycle na kabilang sa mga rehistradong TODA sa lungsod ay papayagan na makagamit ng isang pansamantalang designated parking lane. Kinakailangang hindi hihigit sa pitong (7) tricycles ang papayagan na makapag-park sa isang partikular na parking space upang matiyak na maseserbisyuhan ang mga pasahero na hindi nakasasagabal sa kaayusan at daloy ng trapiko sa isang lugar.
Sa kasalukuyan, ang DCRTODA na nagbibigay serbisyo sa mga pasahero sa kahabaan ng Don Carlos Revilla St. at Aurora Blvd. (Tramo) ay may humigit-kumulang 200 miyembro na may hindi bababa sa 100 units ng tricycle.
The post Anti-colorum tricycle operation, ipinag-utos sa Pasay appeared first on Remate.