NASAKOTE ng mga tauhan ng Special Operation Unit (SOU) ang dalawang kubrador at operator ng jueteng sa isinagawang Anti-Illegal Gambling operation kaninang umaga sa Pasay City.
Kinilala ni Police Chief Inspector Joselito Sta. Teresa, hepe ng SOU, ang mga nadakip na suspek na sina Ramon at Rosita Mendoza, nasa hustong gulang residente ng Lion St., Pasay City.
Ayon sa report ni Sta. Teresa, nakatanggap sila ng impormasyon na ang dalawang suspek ay nagpapataya ng sugal na jueteng sa buong kalye ng Libertad at bahagi ng Lion St.,
Makaraang makumpirma ang impormasyon, nagpanggap na mananaya ang tauhan ni Sta. Teresa habang nasa aktong tinatanggap ang bet money, agad na sinakote ang dalawang suspek.
Nakumpiska sa dalawang supek ang halagang P1,700 at ang P126.00 ginamit na bet money.
Ayon kay Sta. Teresa, ang juenteng at anumang uri ng sugal ay mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaang lungsod ng Pasay.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya ngayon ng SOU at kakasuhan ng paglabag sa P.D. 1602 (Illegal gambling).
The post Kubrador/operator ng Jueteng, timbog sa Pasay appeared first on Remate.