APAT na illegal labor recruiter na kinabibilangan ng tatlong Japanese at isang Filipino ang inaresto sa ginawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation sa Bulacan.
Kinilala ang apat na suspek na sina Marcial Ronquillo Bernardo, ng 126 Bgy. San Pablo, Hagonoy, Bulacan; Masakazi Hiratsuka, nagkakaedad ng 50; Nobuharu Kobatake, 67; at Teroo Tsuda, 48, pawang kaibigan ni Bernardo at mga taga-Tokyo, Japan.
Ang apat na suspek, nang-e-engganyo ng Pinay entertainers and models na pinadadala sa Japan at Malaysia, ay inireklamo sa NBI nina Lovely Sanchez, ng Sto. Nino, Marikina City; Diane Berna, ng Vista Verde, Caloocan City at 9 na iba pang kababaihan mula sa Hagonoy at Malolos, Bulacan; Valenzuela City at Pampanga.
Sa imbestigasyon ng NBI, kumpirmadong walang lisensiya mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga suspek upang mag-recruit ng mga manggagawa.
Nasamsam naman ng NBI ang mga larawan ng mga aplikante, employment contract, mga pasaporte at ang schedule of payments kay Bernardo.
Sinampahan na nang paglabag sa Section 6 ng R.A. 8042 o mas kilala bilang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, ang mga respondent sa Department of Justice.
The post 3 Hapon, Pinoy na illegal labor recuiter, tiklo appeared first on Remate.