POSIBLENG kagagawan ng isang bomb-for-hire group ang inilatag na bomba sa Cotabato City na ikinamatay ng walong katao at ang target ay isang opisyal ng lungsod, ayon sa ulat kaninang umaga ng pulisya.
“We could look at the possibility kung bakit bomb ang ginamit instead of ambush type. Instead of gun-for-hire, baka bomb-for-hire,” pahayag ni Philippine National Police (PNP) spokesman Senior Superintendent Theodore Sindac.
Ang bomba, na pinaniniwalaang ikinasa sa isang nakaparadang sasakyan ay sumabog habang si Cotabato City Administrator Synthia Guiani-Sayadi ay dumadaan sa lugar, na isang pangunahing highway na maraming establisimyento.
Sa kabutihang palad, hindi nasaktan si Guiani-Sayadi pero dalawa sa kanyang mga bodyguard ay kabilang sa mga nalagas.
Sinabi ni Sindac na ang pag-atake ay maaaring bagong modus operandi ng nasabing tropa ng kriminal.
Sinabi ni Sindac ang assassination attempt kay Guiani-Sayadi ay “posibleng anggulo,” dahil pangalawa na itong pag-atake sa nasabing opisyal.
Apat ang dead-on-the-spot, habang ang apat naman ay namatay habang ginagamot sa iba’t ibang ospital.
Sinabi ni Sindac na 13 biktima ang ginamot nitong Martes ng hapon, dalawa sa kanila ay kritikal. Ang labimpitong iba pang nasugatan ay pinauwi na mula sa ospital.
Ang insidente nitong Lunes ay ikalawa nang insidente na tumama sa Mindanao sa loob ng sampung araw.
Noong Hulyo 26, isang malakas na pagsabog ang umuga sa hilera ng mga restaurant na puno ng mga doktor at pharmaceutical salesmen na nag-iwan ng walong patay kabilang si Misamis Oriental provincial board member Roldan Lagbas, sa Cagayan de Oro.
Inaalam pa ng awtoridad kung may kaugnayan ang naganap na dalawang pagsabog.
The post Bomb for hire group, utak sa Cotabato blast appeared first on Remate.