NAKUWELYUHAN na ng awtoridad ang isang hinihinalang opisyal ng the New People’s Army (NPA) na sangkot sa pumalyang pang-aambus sa nanay ni Senator Teofisto Guingona III.
Ang suspect na si Reynaldo Agcopra, na kilala rin na Commander Tarik, ay natiklo nitong nakaraang Sabado sa Sitio San Roque, Barangay Aposkahoy, Claveria, Misamis Oriental, ayon sa press statement mula sa Philippine National Police Region 10.
Sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ni Judge Mirabeua Undalok ng Branch 43, Regional Trial Court 10, Gingoog City, nadampot ng pinagsanib na police at army personnel si Agcopra dakong 12:30 p.m. sa kasong double murder at multiple frustrated murder. Gayunman, hindi naman nagbigay ng detalye kung paano ito naaresto.
Wala naman na inirekomendang pansamatalang kalayaan para kay Agcopra.
Maalala na noong Abril 20, ang four-vehicle convoy ng dating Gingoog Mayor Ruth de Lara Guingona, na misis ni dating Vice President Teofisto Guingona, ay inatake ng mga miyembro ng NPA sa Binakalan Village habang pabalik sa lungsod matapos dumalo sa isang pista ng barangay.
Nakaligtas naman si Guingona sa pagatake pero ang kanyang driver na si Tomas Velasco at ang kapatid nito na si Nestor, na isang alternate driver, ay napatay. Isa sa mga police escorts, na si PO3 Rolando Benemirito ay nasaktan.
Hindi naman itinanggi ng NPA na sila ang nasa likod ng nasabing pagsalakay pero iginiit na ito ay isang lehitimong checkpoint operation.
Nais lamang, anilang, makausap ang babaeng mayor na nangangampanya para sa kanyang anak na babae na si Marie, isang kandidato sa pagkamayor kapalit niya.
Sinabi pa ng mga rebelde na hindi humingi ng permiso sa kanila ang mga Guingonas para mangampanya sa kanilang lugar na ikinokonsidera ng NPA na kanilang balwarte.
The post Suspek sa pag-ambus sa Gingoog mayor natiklo appeared first on Remate.