KRITIKAL ang lagay ng isang obrero nang barilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek, Miyerkules ng madaling-araw, August 14, sa Kapalaran St., Brgy. San Roque, Navotas City.
Nakaratay at inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Hospital si Loren Carriaga, 19, binata, ng Kapalaran St., San Roque ng lungsod sanhi ng isang tama ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa tiyan na tumagos sa likuran.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang hindi pa nakilalang suspek .
Base sa imbestigasyon ni P02 Exiquel Sangco, ng Station Investigation Division (SID), ng Navotas pulis, dakong 2:00 kaninang madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa nasabing lugar.
Nauna rito, naglalakad ang biktima pauwi sa kanilang bahay at ilang metro na lamang ang layo ng bigla na lamang itong sinalubong ng armadong suspek at agad na pinaputukan sa tiyan.
Mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang ginamit na baril habang ang biktima ay isinugod sa nasabing ospital.
Inaalam ng pulis ang tunay na motibo sa nasabing insidente.
The post Obrero binaril, kritikal appeared first on Remate.