AGAW-BUHAY ngayon ang anak na babae ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) nang ratratin ng mga armadong kalalakihan ang kanilang bahay sa Dipolog City, Zamboanga Del Norte nitong Martes ng gabi.
Nagtamo ng isang tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril sa ulo at ngayon ay nasa kritikal na kondisyon sa ospital ang biktimang si Kei Matinong, 11-anyos, anak ni Senior Inspector Rolando Matinong, intelligence officer ng Dipolog City police station.
Hinahunting na ngayon ng pulisya para panagutin sa krimen ang magkapatid na sina Anito Batingal Cenas alyas Dondon at si Arbiv Batingal Cenas alyas Butching kasama ang apat pang hindi nakilalang suspect.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 8:40 nitong Martes ng gabi sa bahay ng mag-ama sa may Purok Silangan, Padre Ramon Extension, Barangay Estaka, Dipolog City, Zamboanga del Norte.
Ayon kay P/Supt. Joven Parcon, hepe ng Dipolog City police station, bago ang insidente ay nagpapahinga na ang mag-ama sa kanilang silid nang bigla itong paulanan ng putok ng baril ng magkapatid na Cenas at 4 pang kasabwat.
Ayon kay Parcon, bago ang pamamaril ay naglunsad ng operasyon ang mga kasapi ng Intelligence Division na pinangungunahan mismo ni S/Insp. Matinong sa bahay ng magkapatid na suspek.
Nakatanggap si Parcon ng impormasyon na may mga itinatangong baril ang magkapatid pero nabigo silang mahuli dahil nakaamoy na sasalakayin sila ng kanyang mga tauhan.
Kahit hindi pa nahuhuli, kinasuhan na agad sa korte ang mga tumakas na suspek.
The post Bahay ng PNP official, niratrat; ulo ng anak nasapul appeared first on Remate.