PATAY agad ang isang pulis habang sugatan naman ang isa pa nang magsuwagan ang kanilang minamanehong motorsiklo at ang kasalubong na dyip sa La Union kaninang madaling-araw (Agosto 14).
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong kapansanan sa ulo at katawan ang biktima na si P01 Raymund Dagdag, 29-anyos at residente ng Barangay Nalvo Sur sa bayan ng Luna.
Isinugod naman sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) sa San Fernando City ang kasama nitong pulis din na si P03 Rollynest Ducusin, 30-anyos, residente ng Barangay Bumbuneg sa bayan ng San Gabriel. Ang dalawa ay kapwa miyembro ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) ng Police Regional Office-1 (PRO-1).
Pansamantalang pinipigil naman sa San Fernando City Police Station, ang drayber ng dyip na si Palmarine Leiza na residente ng Barangay San Vicente habang hinihintay ang ikakasang imbestigasyon sa nasabing aksidente.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong ala-1:35 ng madaling-araw sa national highway ng Barangay 2 sa San Fernando, La Union.
Bago ito, minamaneho ni Dagdag ang kanyang motorsiklo at kaangkas nito si Ducusin nang pagsapit sa lugar ay makabanggaan ang dyip na minamaneho ni Leiza na hindi naman nasaktan sa insidente.
The post Motorsiklo vs dyip; parak, tigbak, 1 pa sugatan appeared first on Remate.