AMINADO ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na wala silang magagawang aksyon laban sa mga nagkalat na “Epal posters” ng mga kandidato sa buong Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, limitado lamang ang kanilang paglilinis sa mga nakahambalang na posters at tarpaulin dahil hindi nila maaaring galawin ang mga posters na wala namang relasyon sa eleksyon tulad ng mga pagbati sa iba’t ibang okasyon.
Kabilang dito ang mga pagbati tulad ng “Happy Fiesta”, ang nagdaang pagbati ng “Merry Christmas”, paparating na “Happy Valentines Day”, “Happy Graduation”, pagbati sa pasukan at iba pa.
Ayon pa kay Tolentino, hindi rin nila maaaring tanggalin ang mga poster na ikinabit sa mga pribadong bahay dahil maaari silang makasuhan.
Kung may kaugnayan naman sa halalan, hindi rin nila maaaring tanggalin ito dahil sa hindi pa naman opisyal na nag-uumpisa ang “campaign period”.
Matatandaan na ang MMDA ang inatasan na mangunguna sa Kamaynilaa na magtanggal ng mga poster ng mga kandidato na nasa labas ng mga idedeklarang “common poster areas” sa oras na mag-umpisa ang panahon ng kampanya sa darating na Pebrero 12 sa mga nasyunal na kandidato at Marso 30 sa mga lokal na kandidato.