TINATAYANG anim katao ang sugatan makaraang magsalpukan ang van at multicab sa Sto. Domingo, Arevalo, Iloilo City pasado ala-6:00 kaninang umaga.
Ayon sa nakasaksi sa banggaan na kinilalang si Romeo Hilario, patungo sa Lungsod ng lloilo mula sa Antique ang van nang mabangga ang nakasalubong na multicab.
Ito ay bunsod ng madulas na daan dahilan upang hindi makontrol ng driver ang van at nabangga ang nakasalubong na multicab na bumangga naman sa tatlong poste ng kuryente.
Habang tumagilid at bumaliktad ang van direksyon pabalik sa Antique.
Sa lakas ng impact nang pagkakabangga sa multicab, halos nayupi ang harapang bahagi nito at na-trap ang dalawang sakay na kinilalang sina Johnny Pariñas ng Buray, Oton, Iloilo na siyang may-ari ng multicab at negosyante ng manok at ang kaanak ng misis nito.
Tinatayang kalahating oras pa ang lumipas bago nakuha ang dalawa sa sasakyan kung saan kinailangan pang tanggalin ang ilang bahagi ng multicab para makalabas ang mga biktima at dinala sa Iloilo Doctor’s Hospital.
Isinugod naman sa The Medical City ang tatlong sakay ng van na sina Mandarico Angeles Jr., 45, ng Sibalom, Antique, driver; Chatrina Saraza, 39, ng Sibalom, Antique at Reynaldo sarad, 47, ng Hamtic Antique habang sa Iloilo Doctor’s Hospital naman ang isa pang sakay sa van na sugatan na si Elmer Nacionales, 25; ng Miag-ao, Iloilo.
The post Van vs multicab: 6 sugatan appeared first on Remate.