APAT na malalaking sachet ng methamphetamine hydrochloride o shabu, na nagkakahalaga ng P1.8 million ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang lalaking hinihinalang tulak ng shabu, sa isinagawang buy-bust operation sa Davao del Sur.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., nakumpiska ang shabu na tumitimbang ng humigit kumulang sa 200 gramo sa dalawang suspek na kinilalang sina Emran M. Paidomama, alias Manan Rakim, 37 ng Semba, SPDA, Datu Odin, Sinsuat, Maguindanao at Hasmorin D. Kasim, alias Pañero, 28, ng Parang, Maguindanao.
Ang dalawang suspek ay kabilang sa target ng mga awtotidad sa Davao region.
Natiklo ang dalawa matapos silang makipagkasundo sa isang poseur-buyer hinggil sa bentahan ng naturang shabu sa Quezon Avenue, Digos City, Davao del Sur noong umaga ng August 22, 2013.
Kabilang sa nag-operate ang PDEA Regional Office 11 (PDEA RO11) Davao del Sur Provincial Drug Enforcement Office, sa pamumuno ni Director Emerson Rosales, kasama ang teams mula Davao del Sur Police, Digos City Police Station and 305th Air Intelligence and Security Group (AISG), Philippine Air Force (PAF) sa pag-aresto sa mga suspek matapos abutin ang ginamit na marked money na kinabibilangan ng 50 piraso ng tig P1,000.
Habang nirerekisa, nakuha ng operating unit kina Paidomama at Kasim ang dalawang sachets ng shabu.
Kinasuhan ang dalawa ng paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165, or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
The post P1.8-M halaga ng shabu, nasamsam ng PDEA appeared first on Remate.