INIIMBESTIGAHAN na ngayon kung nagkaroon ng foul play sa pagpapakamatay ng isang security guard sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Halos mag-iisang oras pa lamang nang madiskubre ang malamig na bangkay ni Anthony Torrrelino Borok, alias ‘Noknok’, nasa hustong-gulang, binata, tubong Samar, nakatira sa 50 Marigold St., Rivera Village, NAIA, Pasay City.
Ang biktima ay natagpuan ng kanyang tiyahin na si Myrna Reyes, 61, bandang alas-12:45 ng hapon na nakabitin sa kisame ng isang maliit na silid gamit ang lubid na ipinulupot sa kanyang leeg.
Ayon kay Aling Myrna, huli nitong nakitang buhay ang biktima alas-12:00 ng tanghali at nakausap pa niya ang huli na tutulungang maglipat ng kaniyang gamit patungo sa 2nd floor ng inuupahang silid.
Napuna rin ng tiyahin na matamlay ang ikinikilos ni Borok at nagsalita pa ang huli ng ‘sorry’ na tila may ipinahihiwatig sa kanya.
Sinabi naman ni Jonathan Reyes,30, pinsan ng biktima, na ilang minuto bago magpatiwakal ang biktima ay nakita pa niya na may ka-text ito sa cellphone habang nakaupo malapit sa may bintana na tila malalim ang iniisip.
Laking gulat na lamang ng mga kalapit-silid nang tumambad sa kanila ang kalunos-lunos na sinapit ng biktima.
Napag-alaman sa impormasyon na dati ring sundalo ang biktima bago siya nagtrabaho bilang guwardiya sa airport.
Inaalam pa rin ng mga awtoridad kung may foul play sa pagpapakamatay ng biktima dahil walang nakitang suicide note dito.
The post Pagpapakamatay ng isang sekyu ng NAIA, iniimbestigahan appeared first on Remate.