TACURONG CITY, Sultan Kudarat – ISA umanong foreign-trained bomb maker ang nasawi at isa ang nahuli sa roadblock operation ng pulisya sa lalawigan ng Maguindanao dakong alas-5:20 ng hapon kahapon,Agosto 31, ayon sa PNP.
Kinilala ng PNP Maguindanao ang binawian ng buhay na si Nadzir Pakasi Mongkas habang nasakote naman ang kanyang kasama na nakilala sa pangalan na Rahib Pelandoc Guialudin.
Sa ulat ng Maguindanao PNP, agad nagsagawa ng sorpresang roadblock operation ang pulisya kasama ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa national highway sa Datu Paglas, Maguindanao.
Nakatanggap umano sila ng impormasyon na dadaan ang dalawang suspek na sinasabing mga terorista. 12
Galing umano ang impormasyon sa mga Muslim religious leaders at mga lokal na opisyal.
Sakay umano sa multicab na may plate number MEH-338 ang dalawa nang sitahin ng mga awtoridad at sinasabing agad bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at kaya’t binaril na rin ito ng mga awtoridad. Nahuli naman ang kanyang kasama na nakilala sa pangalan Giualudin.
Samantala, nakuha mula sa loob ng multicab ang tatlong homemade .50 caliber Barrett sniper rifles, isang M-16 armalite, Singaporean-made caliber 5.56 assault rifle, dalawang kalibre .45 na pistola at bagong gawa na improvised explosive device (IED) with battery-operated blasting device.
Kinumpirma din ng Maguindanao PNP na si Mongkas ay sinasabing isang foreign-trained bomb maker ng teroristang Jemmaah Islamiyah (JI).
Eksperto raw ito sa paggawa ng explosives at pagtanim ng roadside bombs gamit ang live mortar rounds, B-40 anti-tank rockets at ammonium nitrate fertilizer sa Peshawar, Pakistan at sa Kandahar sa Afghanistan.
Paliwanag din ng mga Army intelligence, sina Gualudin at Mongkas ay nagpapanggap ding mga “guns-for-hire” at sangkot sa gun-running para sa mga warlords at umano’y Moro rebels.
Sinasabing sangkot din umano ang mga suspek sa extortion at pambobomba ng mga bus at mga commercial establishments sa North Cotabato, Sultan Kudarat, Maguindanao, South Cotabato at sa mga lungsod ng Tacurong, Koronadal, General Santos, Cotabato at Kidapawan.
Sa kasalukuyan nasa kustodiya ng CIDG-ARMM at isinasailalim na sa masusing imbestigahan si Guialudin.
Inaalam din kung may kinalaman ito sa malagim na car bomb explosion sa Cotabato City na ikinasawi ng walong katao at 32 sugatan.
The post Foreign-trained bomb maker, patay sa Maguindanao appeared first on Remate.