RIZAL – Patay ang isang lalake habang malubhang nasugatan ang pinsan nito matapos na pagsasaksakin ng nasagi ng kanilang sinasakyang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa bayan ng Taytay.
Kinilala ni Rizal PNP director P/Sr. Supt. Rolando Anduyan, ang nasawi na si Ramil Paja, 25 anyos, residente ng Blk 160 lot 1 Sitio Central Upper Bicutan, Taguig City habang nilalapatan pa ng lunas sa Manila East Medical Center si Ariel Magandan, 25 anyos.
Kaagad namang naarresto ang suspek na si Benson Matalipne, 23 anyos, may asawa, residente naman ng Lorna Ville Subdivision, Brgy. San Roque ng nasabing lungsod.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-9:00 ng gabi sa kahabaan ng Ortigas Avenue, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal.
Nabatid na sakay ng isang motorsiklo ang mga biktima patungo sa Antipolo City nang aksidenteng masagi ang suspek na naglalakad sa gilid ng kalsada.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at mga biktima hanggang sa magbunot ng patalim ang una at pagsasaksakin ang dalawa.
Parehong naisugod sa nasabing pagamutan ang magpinsan kung saan ay ideneklarang dead on arrival si Paja.
Kasong homicide at frustrated homicide ang inihahandang kaso ng pulisya laban sa suspek na nakakulong ngayon sa lock-up jail ng nasabing himpilan ng pulisya.
The post Nasagi ng motorsiklo nanaksak, 1 patay appeared first on Remate.