PINAG-IINGAT ngayon ng pulisya ang publiko dahil mapanganib at armado ng baril ang natitira pang 18 preso na nakatakas sa isang jail facility sa Barangay Pinatilan, Valencia City, Bukidnon kahapon.
Sinabi ni Bukidnon police director Senior Supt. Glenn de la Torre, peligroso sa publiko ang mga preso dahil kasama nila sa pagtakas ang ilang piraso ng mga baril na nakuha mula sa mga awtoridad.
Dahil dito, pinapayuhan ni Dela Torre ang publiko na huwag na munang maglalabas sa kanilang bahay at maging alerto sa mga indibidwal na may kahina-hinala ang ikinikilos sa kanilang lugar.
Sakaling maka-engkwentro ng mga pusakal, mangyari lamang na magtungo na agad sa pinakamalapit na presinto para sa kaukulang disposisyon.
Sa inilatag na manhunt operations, balik-selda kahapon ang presong si Reymart Abalnes na mayroong kasong rape at nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang shotgun.
Nakatakas ang may 21 preso pa habang nagkaklase ang ilang personahe ng Department of Education (DepEd) Alternative Learning System (ALS) sa loob mismo ng bilangguan.
Nagkunwari ang dalawang inmates na sina Dionisio Daulog at Albert Espinosa na iihi kaya pinahintulutan ng mga babaeng jail officers na makagamit ng banyo.
Pero biglang hinampas nila sa noo ang isa mga bantay kaya naganap na ang pagtakas.
Bago tumakas, pinasok ng mga preso ang jail armory at kumuha ng anim na shotguns at limang 9mm pistols.
Kabilang sa jail guards na natakasan at duty nang maganap ang pagpuga ay sina Jail Officers 1 Jovy Rasonabe at Anna Lee Galvez at Helen Pernites.
The post Nakatakas na Bukidnon inmates ‘dangerous’ appeared first on Remate.