ARESTADO ang 25-anyos na lalaki na nananalisi sa loob ng Philippine General Hospital (PGH) kaninang umaga.
Nakakulong na sa Manila Police District (MPD)-Theft and Robbery Section ang suspek na si Roldan Demo, alyas “Dan”, ng Block 31, Area II, Sapang Palay, Del Monte Bulacan dahil sa reklamo ni Karren Callao, 21, ng 238 Quirino, Tambo, Parañaque City.
Sa report ni PO3 Ferdinand Leyva ng MPD-Station 5, alas-8:00 ng umaga nang naganap ang insidente sa loob ng Ward 15 sa Philippine General Hospital sa Taft Ave., Ermita, Maynila kung saan nagpanggap na pasyente bilang modus operandi ang suspek.
Sa salaysay ng pasyenteng si Karren, mula September 1 ay naka-confine na siya sa nasabing ospital dahil sa panganganak at habang natutulog sa kanyang higaan ay naalimpungatan siya dahil tila may gumagalaw sa kanyang bag.
Nang kanyang lingunin ay nakita niya ang suspek na kinukuha ang kanyang Lenovo cellphone at ipinasa sa kasamahan niyang babae saka mabilis na lumabas ng ward.
Humingi ng tulong ang biktima sa ibang bantay ng mga pasyente at itunuro ang papalabas na mga suspek kaya hinabol ito na nagresulta sa pagkakaaresto ni Demo.
Hindi naman nabawi ang cellphone ng biktima na hinihinalang naipasa sa kasamahan nitong babae.
Kasong theft thru salisi ang isinampang kaso laban sa suspek.
The post Pasyente na sumalisi sa loob ng PGH, tiklo appeared first on Remate.