UMAKYAT na sa 17 ang bilang ng namatay dahil sa bagyong Quinta na nanalasa nitong araw ng Pasko mismo partikular sa Bicol region at Visayas area.
Ayon sa impormasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 12 rito ay nagmula sa Western Visayas habang ang lima ay sa Eastern Visayas.
Pinangangambahang madagdagan pa o tumaas ang bilang dahil ilan pa ang iniulat na nawawala na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.
Maliban sa namatay, lubog pa rin sa tubig-baha ang ilang barangay at bayan sa Roxas at Iloilo.
Umaabot na rin sa mahigit P150 milyon ang pinsala sa agrikultura na iniwan ni Quinta sa bahagi lamang ng Western Visayas.
Sa data ng NDRRMC, umabot din sa 632 bahay ang winasak ng bagyo at nasa 5,000 pamilya o 28,200 na indibidwal naman ang naapektuhan ng bagyo.