NASAGIP ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division (RID)-6, Malay-Philipipne National Police at Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang dalawang babae na biktima umano ng human trafficking.
Ang nailigtas ay ang 19-anyos at 17-anyos na mga biktima sa Caticlan jetty port na nagmula sa Iloilo at dinala sa Boracay upang pagtrabahuhin sanang yaya, ngunit bumagsak sa prostitusyon.
Sinabi ng mga biktima na inalok sila ng suspek na si Cherry Tumunong, 24, residente ng Barangay Tagbak, Iloilo at pansamantalang naninirahan sa isla na magtrabaho sa Boracay bilang katulong at tagapag-alaga ng bata, pero hindi nila inaasahang entertainer sa isang bar ang kanilang magiging trabaho.
Nagawang makatakas ng mga biktima at nakabalik sa Barangay Caticlan, Malay, Aklan, kaya nakahingi ng tulong sa mga awtoridad.
Sa isinagawang follow-up operation, nasakote si Tumunong at nakakulong ngayon sa lock-up cell ng BTAC.
Ang suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
The post 2 bebot biktima ng human trafficking, nasagip ng RID sa Boracay appeared first on Remate.