KINASUHAN ng murder sa Quezon City Prosecutors office ang suspek na nakabaril at nakapatay sa assistant cameraman ng GMA-7 kaninang umaga Setyembre 11,2013 (Miyerkules).
Kinilala ang kinasuhan na si Emard Alunday, 31, may-asawa, ng San Beda compound, Libis, Bgry. Bahay Toro, QC.
Subalit ibinaba ni Inquest Fiscal Ramoncito Ocampo sa kasong homicide ang kasong murder na isinampa ng Quezon City Police District laban kay Alunday matapos itong basahan ng sakdal.
Si Alunday ay suspek sa pamamaril at pagkamatay sa biktimang si Kenneth Paule, 38, may-asawa, assistant cameraman ng GMA-7, ng Blk.1, Lot4, Emerald St., San Pedro Village, Tandang Sora, QC.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente sa harap ng Milas Eatery sa San Beda Compound, Brgy. Bahay Toro, QC dakong 7:35 ng gabi nitong Setyembre 9, 2013 (Lunes).
Nabatid sa ulat na nasa harap ng naturang karinderya ang biktima at suspek at kumakain nang bigla na lamang umanong pumutok ang baril ng suspek at tinamaan sa kanyang likuran ang una.
Isinugod ang biktima sa Quezon City General Hospital subalit hindi na ito umabot ng buhay sa naturang ospital.
The post Suspek sa pamamaril sa asst. cameraman ng GMA-7, kinasuhan ng murder appeared first on Remate.