HAWAK na ng mga awtoridad ang tatlo sa mga suspek sa pagpaslang sa advertising executive na si Kristelle “Kae” Davantes.
Sa isang press conference ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sinabi ni Police Sr. Supt. Christopher Laxa, pinuno ng Task Force Kae, na nakasentro ang imbestigasyon ng pulisya sa anggulong pagnanakaw batay na rin sa pahayag ni Samuel Decimo, 19-anyos, isa sa mga suspek na unang natimbog noong Biyernes.
Dahil dito, isinantabi na ng mga awtoridad ang anggulong “crime of passion” sa pagpaslang sa 25-anyos na senior account manager ng McCann Worldgroup, Naaresto sa Cupang, Muntinlupa ang suspek na si Lloyd Enriquez, 18-anyos at Jojo Diel, 30-anyos na sumuko sa mga pulis noong Sabado.
Ayon kay Laxa, tinutugis na ng mga awtoridad ang tatlo pang suspek kabilang si Jomar Pepito at isang alyas “Fasher” na itinuturong kasabwat sa krimen.
Sinusuri na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang narekober na isang Toshiba laptop at iPhone 5 mula sa isang tindahan sa Alabang, Muntinlupa City na pinaniniwalaang pag-aari ni Davantes at umano’y ipinalit nina Decimo sa P11,000.00 halaga ng mga damit.
Matatandaang hindi na nakauwi sa kanilang bahay sa Las Piñas ang dalaga matapos gumimik sa Bonifacio Global City, gabi ng Biyernes, Setyembre 6.
Kinabukasan, natagpuan ang bangkay ni Davantes sa ilalim ng tulay sa Silang, Cavite. Setyembre 15, Linggo ng umaga naman nang narekober sa Camella Homes 4 sa Las Piñas City ang kotse ni Davantes habang nag-alok ng P2.5 milyong pabuya para sa ikadarakip ng mga suspek sa krimen.
The post 3 suspek na pumaslang kay Davantes, hawak na ng awtoridad appeared first on Remate.