HINAHANTING na ng buong puwersa ng gobyerno sa Zamboanga City si Moro National Liberation Front (MNLF) commander Habier Malik, ang itinuturong lider ng mga armadong rebelde na sumalakay sa lungsod.
Sa panayam kay crisis committee at Armed Forces of the Philipines (AFP) spokesperson Lt/Col. Ramon Zagala, sinabi nito na nakasentro na ang kanilang operasyon sa paghahanap pa sa natitirang miyembro ng mga rebelde partikular aniya rito si Malik.
“Naniniwala po tayo na nandoon pa siya sa loob nitong areas of constriction at patuloy ang ating pag-ooperate para siya na po ay eventually makuha na natin,” ayon sa opisyal.
Una rito, pursigido naman ang Malacañang na mahubaran kung sino man ang financier ng grupo na umatake sa Zamboanga City.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ito ang dahilan kaya iniutos ng Pangulong Noynoy Aquino ang imbestigasyon kung bakit mistulang hindi nauubusan ng ammunition o bala ang MNLF-Misuari group makalipas ang ilang araw.
Ayon kay Valte, makikita na lamang sa mga susunod na araw kung sino ang nagpopondo sa ‘war chest’ ng mga rebelde dahil nagagawang makipagsabayan ng putukan sa mga militar.
Sa ngayon, nakatutok ang gobyerno sa clearing operations at mailigtas ang natitirang bihag ng mga tauhan ni Misuari sa pangunguna ni Habier Malik.
The post Pagtugis kay MNLF leader Malik, pinaigting pa appeared first on Remate.