UMAKYAT na sa anim ang bilang ng mga namatay habang 18 ang nasugatan sa naganap na salpukan ng bus sa Camarines Sur.
Hinihintay na lamang ng awtoridad na makalabas ng pagamutan ang mga driver ng dalawang bus na nasangkot kahapon sa aksidente na naitala ang pagkamatay ng isang driver at ilang pasahero sa Del Gallego, Camarines Sur.
Napag-alaman mula kay PS/Supt. Ramiro Bausa, kasama sa mga nasugatan ay ang driver ng Raymond bus at 3JMC Tour Bus na kanila ngayong iniimbestigahan.
Inaalam na ang sanhi ng aksidente na sa kasalukuyan ay umakyat na sa anim ang namatay habang 18 ang nasugatan.
Ang mga biktimang binawian ng buhay ay kinilalang sina Ramoncito Martinez , 42, ng Nueva Ecija, alternate bus driver ng 3JMC bus; Flordeliza Gruniozo, 40, Paulo Gruniozo 12, kapwa mula sa Bulacan, Arceli Manaog taga-Buhi, Jane Tugadi ng Malabon City at Felicia Rodriguez 17, Malabon City, na siyang huling binawian ng buhay at pawang pasahero ng Raymond bus.
Kabilang naman sa mga nasugatan ay ang apat na mga biktima na mula sa Tacloban City.
Sa ngayon ay nakarating na sa may bahagi ng Maynila ang ilan sa mga pasaherong mula sa Tacloban, matapos rentahan ng lokal na pamahalaan ng Del Gallego ang AB Liner bus.
Ayon kay Mayor Lydia Abarrientos, ipinahatid nila ang 50 mga survivors ng bagyong Yolanda.
Una rito, 70 pasahero ang kinumpirmang lulan ng 3JMC Tour bus mula sa Tacloban City.
The post UPDATE: 6 na patay sa banggaan ng bus sa CamSur appeared first on Remate.