TAGUIG CITY – Patay ang isang Grade IV pupil ng Barangay Ususan Elementary School matapos maipit ang leeg sa bintana ng kanilang silid aralan, ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Chief-of-Police PSSupt. Arthur Felix Asis kahapon ng umaga.
Sa pagsisiyasat, kinilala ang biktima na si “Bernadette.”
Nabatid na alas 5:45 ng umaga nang matuklasan anila ni Teofilo Lascuna, class adviser ng nasabing paaralan na naipit at nasakal sa window grills ng silid aralan ang leeg ng batang babae sa ikalawang palapag ng gusali.
Dahil sa nakita, agad na pinuntahan ni Lascuna ang nakatalagang Public Order Safety Office na si Joel U. Taguinod Jr., upang saklolohan at isugod sa pagamutan ang bata saka subalit idineklarang dead-on-arrival ng mga manggagamot.
Nalaman na maagang pumasok sa paaralan ang bata at nang madatnang sarado pa ang kanilang silid aralan ay naisipan nitong ipasok ang kanyang kamay at ulo sa nakaawang na bintana upang abutin at pihiting pabukas ang doorknob ng pintuan.
Sa pagsisikap ng bata na mabuksan ang saradong pintuan, lumikha ito ng lagim nang lumapat ang window grills at nasakal ang leeg ng bata.
Patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa insidente.
The post Grade IV pupil nasakal ang leeg sa bintana, utas appeared first on Remate.