MAY 35 pamilya ang pansamantalang naninirahan sa mga itinayong tent sa Villamor Elementary School sa Pasay City.
Ang mga pamilya ay mula sa Visayas na umalis para lumipat sa mga kaanak sa Maynila o hangga’t hindi naiaayos ang kanilang tahanan sa probinsyang winasak ng bagyong Yolanda.
Sa pananatili sa mga tent, tinutustusan ng gobyerno at ilang pribadong grupo ang mga pangangailangan ng mga pamilyang tumuloy doon.
Para matiyak naman ang seguridad ng mga nakatira sa nasabing paaralan, nagpatupad ng curfew sa naturang lugar na epektibo mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw.
Ipinagbabawal din ang paninigarilyo at mag-inuman ng alak sa loob ng tent city.
May kabuuang 48 tents na may folding beds at walong portalets sa tent city para sa daan-daang pamilyang maaaring sumilong. May inayos ding shower area para sa mga lumikas.
May mga ikinasa rin na TV screens para sa kanila.
Ayon sa isang lumikas na si Jocelyn Tudilla, kasama niyang umalis ng Tanauan ang asawa at anim na anak. Nawasak ng bagyo ang kanilang bahay at bangka.
Nakatakda silang ihatid naman sa kanilang mga kaanak sa Olongapo City.
The post Yolanda survivors sa tent city, may curfew appeared first on Remate.