KULONG ang 19-anyos na kasambahay matapos ireklamo ng kanyang amo dahil sa nawawalang pera at alahas na umaabot sa P1.8 milyon ang halaga.
Personal na dumulog ngayon sa tanggapan ng MPD-General Assignment Section (MPD-GAS) si Susana Montano, 61, tubong Tarlac City at residente ng Unit 3011 Espana Tower sa 2203 Espana Boulevard Sampaloc, Maynila upang ireklamo ang kasambahay na si Lilie Natividad, tubong Dingras, Ilocos Norte.
Ayon sa pahayag ni Montano, ala-1:30 ng hapon kahapon nang maganap ang insidente sa tinutuluyan nilang condo unit kung saan puwersahang binuksan ni Natividad ang “jewelry box” habang sila ay may inaasikasong negosyo sa Tarlac.
Bandang alas 4:00 ng hapon tumawag si Montano sa kanilang mga kasambahay at nakausap si Natividad kung saan naikuwento nito ang pangyayari.
Nagulat naman ang amo sa kanyang nalaman dahil wala namang tawag ang kanyang anak na si Shannon na nakasagasa ito dahilan upang dali-dali siyang lumuwas pabalik ng Maynila..
Pagdating sa condo unit ni Montano, inamin ng kasambahay na nagawa niyang buksan sa pamamagitan ng screw driver at martilyo ang kuwartro dahil nga sa isang tawag na nakasagasa si Shannon kaya kinakailangan ang malaking halaga.
Ayon pa kay Natividad, tinulungan din siya ng isa pang kasambahay na si Claire En Estavillo, 19, na kunin lahat ang mga alahas at pera na ibibigay sa caller na kanyang kakatagpuin sa Tayuman kung saan isinama nito ang anak ni Shannon.
Matapos makuha ng caller ang pera at alahas ay agad ding umuwi si Natividad kasama ang bata sa nasabing Condo Unit.
Dahil sa pangyayari, nagpasya si Montano na idulog sa MPD-GAS ang kanilang reklamo kung saan pinakasuhan ng Qualified theft at kidnapping si Natividad.
The post Kasambahay kulong sa nawalang P1.8M alahas ng amo appeared first on Remate.