SA ikalawang pagkakataon, isang lalaki na tinangkang patayin noong nakaraang buwan lamang ang tuluyan nang napatumba matapos barilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 20.
May tama ng dalawang bala sa ulo at isa sa likod at namatay noon din ang biktimang si Vergel Gavino, 32.
Wala pang ideya ang mga tauhan ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) kung sino ang bumaril sa biktima pero may palagay na ang lalaki na nagtangkang bumaril dito noong nakaraang buwan ay iisa.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-8 nitong Miyerkules sa Kilyawan Street sa Barangay Commonwealth.
Nadamay naman ang isang nagngangalang Roy Salon, na nag-iinuman sa lugar kasama ang kanyang tropa nang madaplisan ng bala sa katawan.
Sinabi naman ng misis ni Gavino na si Maricel, ang pamamaril sa kanyang mister kagabi ay hindi ang unang pagkakataon.
Tinangka rin aniyang patayin ang kanyang mister noong nakaraang Oktubre 14 pero hindi pumutok ang baril ng suspek.
Wala namang maisip si Maricel kung bakit nais patayin ang kanyang mister.
The post Kelot natuluyan ng killer sa ikalawang pagkakataon appeared first on Remate.