ISINUGOD sa pagamutan ang 13 turistang Koreano makaraang dumanas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka bunga ng pagkalason sa pagkain kagabi sa Pasay City.
Hindi naman matukoy ng pulisya kung sa kinainang restaurant sa Macapagal Avenue o sa tinutuluyang hotel nabiktima ang mga dayuhan bunga na rin ng pagtanggi nilang maghain ng kaukulang reklamo.
Batay sa report, itinawag ng security guard ng San Juan de Dios Hospital sa pulisya ang pagkakasugod sa kanilang pagamutan ng siyam na kalalakihan at apat na babae na pawang Korean nationals alas-8:45 kagabi bunga ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae na posibleng sanhi ng pagkalason.
Sa ginawang imbestigasyon, dumating ang mga dayuhan noong Martes ng tanghali mula sa Seoul, South Korea na kabilang sa grupo ng mga Koreanong turista na pinangasiwaan ng Somee Travel Agency na may tanggapan sa 17 E Marina Sweet 1588 M.H. del Pilar, Ermita, Manila at pansamantalang nanuluyan sa Traders Hotel sa Vito Cruz St. Pasay.
Miyerkules ng gabi nang dalhin ng kanilang tourist guide na si Joung Sujing, 43 at tourist photographer na si Bernard Garcia ang mga dayuhan sa Huey Ying Chinese Restaurant sa Seaside Macapagal Avenue upang kumain makaraan ang pagbisita nila sa isang golf course sa Cavite.
Pawang mga seafood tulad ng ulang (lobster) alimango at sugpo ang ipinaluto ng mga dayuhan sa naturang restaurant bago sila muling bumalik sa tinutuluyang hotel kung saan ang ilan ay nakaranas na ng pananakit ng tiyan.
Huwebes ng alas-8 ng umaga nang magsikain ang mga biktima ng almusal sa tinutuluyang hotel at makaraan lamang ang ilang oras ay nagsimula ring tumindi ang pananakit ng kanilang tiyan na sinundan na ng pagtatae at pagsusuka kaya isinugod na sila sa naturang pagamutan.
Makaraang malapatan ng lunas, lahat ng mga biktima ay lumabas na ng pagamutan kaninang alas-3:55 ng madaling-araw at pawang nagpasya na hindi na maghahain ng reklamo dahil pabalik na rin sila sa kanilang bansa bukas.
Sinabi ni Pasay City police chief Senior Supt. Michel Filart na inirekomenda pa rin niya sa City Health Office ang pagsasagawa ng pagsusuri sa Huey Yung Chinese Restaurant at maging sa Traders Hotel upang matiyak kung tumatalima sila sa mga panuntunan sa ilalim ng PD 856 o Code on Sanitation of the Philippines.
The post 13 turistang Koreano na-food poison sa Pasay appeared first on Remate.