NORZAGARAY, Bulacan- Tila sinamantala ng mga kriminal ang pagkatuon ng pansin ng mga tao at awtoridad sa laban ni Manny Pacquiao para isakatuparan ang pagpatay sa isang dating opisyal ng munisipyo kaninang umaga.
Hindi na nagawang umabot pa sa misa ni Yolanda Ervas, 59, dating municipal budget officer ng bayang ito matapos pagbabarilin hanggang sa mapatay, ilang hakbang na lamang sa pintuan ng simbahan.
Ayon sa ilang saksi, kabababa lamang ni Ervas sa sinakyang van nang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek.
Ilang kaibigan naman ni Ervas na ayaw magpabanggit ng pangalan ang nagsabi na wala silang alam na kagalit ni Ervas pero lantad anila sa kanilang bayan na hindi nito kasundo si dating Mayor Feliciano Legaspi noong nakaupo pa ang una bilang budget officer at ito naman ang mayor.
Si Ervas din umano ang naghain ng mga kasong grave abuse of authority at harrassment laban kay Legaspi sa tanggapan ng Ombudsman kung saan pinaboran si Ervas at ipanag-utos ang anim na buwang suspension kay Legaspi.
Nagkaroon din ng tensiyon noon sa munisipyo matapos na tumangging bumaba sa pwesto at hindi kilalanin ni Legaspi ang utos ng Ombudsman na ipinatupad ng regional DILG kasama ang mga taong bayan na isa si Ervas sa namuno.
Lantaran ding sumuporta si Ervas kay Mayor Fred Germar na tumalo kay Legaspi nitong nakaraang mayoralty election.
The post Ex-budget officer patay sa harap ng simbahan appeared first on Remate.