NAGBIGTI ang isang lolo nang mawalan ng kabuhayan tulad ng mga alagang manok at bunga ng saging sa Ilocos Norte kaninang umaga, Nobyembre 26.
Ang bangkay ng biyudong si Isabelo Aceret Jr., 71, ay natagpuan sa sala ng bahay nito sa Barangay Columbia, Vintar, Ilocos Norte.
Ayon sa imbestigasyon ni PO1 Jonathan Agcaoili, ng Vintar-Philippine National Police, alas-7:45 ng umaga nang matuklasan ang bangkay ng biktima na nakabitin sa kanyang sala.
Bago ito, nag-alala ang kapatid ng biktima na si Delia Aceret dahil hindi pa lumalabas mula sa kanyang bahay simula nang sumikat ang araw.
Para mawala ang pangamba, sinilip ni Delia ang loob ng bahay ng kapatid at nakitang nakabitin sa kisame.
Narekober ng awtoridad ang isang suicide note sa tabing bangkay ng biktima at nakasaad ang kanyang galit sa mga kamag-anak dahil sa mga ninanakaw na alagang manok at bunga ng kanyang mga tanim na saging.
Pero ayon kay Delia, wala siyang alam na dahilan upang magpakamatay ang kanyang kapatid.
Nabatid na mag-isa na lamang namumuhay ang biktima mula nang mabiyudo at wala ring anak.
The post Lolo na nawalan ng kabuhayan, nagbigti appeared first on Remate.