PATONG-PATONG na kaso ang kinahaharap ng isang project sales consultant nang tangkang tangayin ang mga relief goods matapos magpanggap na sundalo sa Villamor Air Base kahapon sa Pasay City
Nakasuot pa ng uniporme ng sundalo si Dexter Basilio, 35, ng Phase 1 Block 1 Lot 9 Sunshine Homes, Brgy. De Castro GMA, Cavite nang arestuhin ni A1C Alvin Alpichi, miyembro ng Philippine Air Force (PAF) sa massage booth sa loob ng Villamor Air Base dakong ala-1 ng hapon.
Sa pahayag ng testigong si Sheryl Tanggana, 25, ng 1254-B Cruzada St., Quiapo, Manila, at staff ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nagpakilala sa kanya bilang sundalo si Basilio at humihingi ng mga diaper para sa mga inaasikaso niyang mga bata na anak ng evacuees.
Nang wala siyang maibigay, nagpatulong pa sa kanya ang suspek na buhatin ang dalang mga relief goods sa massage booth na napag-alamang nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P1,000.
“Nagpatulong pa siya sa akin na buhatin sa massage booth ang dala niyang relief goods dahil bagong opera raw siya at hindi puwedeng magbuhat ng mabigat,” pahayag ni Tanggana
Kasong pagnanakaw at usurpation of authority ang isasampa ng pulisya sa Pasay City Prosecutors Office laban kay Basilio.
The post ‘Sundalo’ arestado sa tangkang pagnanakaw ng relief goods appeared first on Remate.