NAGPAKATIWAKAL ang 42-anyos na ginang sa pamamagitan ng pagtungga ng isang bote ng silver cleaner makaraang hindi nito kayanin ang bigat ng problema sa kanyang pamilya sa Pasay City.
Patay na nang idating sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Shiela Alipungan, ng 562 M. Dela Cruz St., sanhi ng pag-inom ng silver cleaner.
Batay sa imbestigasyon, bago nangyari ang pagpapatiwakal ay nagkaroon ng inuman sa loob ng bahay ang kapatid ng biktima na si Jennilyn Alvarez, 33 at mga barkadang sina Sonny Boy Foring, 33 at Dennes Espano, 23, alas-9 ng gabi noong Sabado.
Umupo pa sa grupo ang biktima, hindi upang makipag-inuman kundi upang magpakuha lamang ng larawan, kasama ang kapatid at barkada.
Nang matapos ang inuman, alas-2:30 ng madaling-araw, pumasok na sa kanilang silid si Alvarez subalit nagulat siya nang makita ang kapatid na nakabulagta at walang malay habang hawak pa ang isang bote na pinaglalagyan ng silver cleaner.
Kaagad na isinugod ni Alvarez ang kapatid sa pagamutan subalit idineklarang patay na dakong alas-2:40 ng madaling-araw.
Ayon kay Alvarez, matagal nang nagpa-planong magpatiwakal ang kanyang kapatid mula nang iwanan ng asawang si Gelo Alipungan na ngayon ay naninirahan na sa Roxas City, may tatlong taon na ang nakararaan.
Wala namang makita ang pulisya ng mga palatandaan na may naganap na karahasan sa pagkamatay ng biktima lalo na’t walang bakas ng anumang sugat o pasa sa buong katawan ng nasawi kaya kumbinsido ang mga imbestigador na isang uri ng pagpapatiwakal ang nangyari.
The post Ginang lumaklak ng lason sa Pasay, todas appeared first on Remate.