SUGATAN ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos manlaban ang kanyang aarestuhing suspek dahil sa kasong attempted rape at acts of lasciviousness.
Kinilala ang sugatan na si SPO2 Gil Gayuba, at kasalukuyang nakatalaga sa MPD-PS 6.
Sa daily journal, ganap na alas-7:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa harap ng bahay sa 1760 Estrada St., San Andres Bukid, Maynila.
Nauna rito, naatasan si Gayuba na arestuhin ang suspek na si Danilo Panganiban, 45, nakatira sa nasabing lugar dahil sa reklamo sa kanyang tangkang panggagahasa at panghihipo kay Nerissa Lonctoc.
Sa halip na sumuko ang suspek ay bigla nitong hinataw ng martilyo ang pulis dahilan para siya ay bumagsak.
Gayunman, nang tumayo ang pulis ay muli siyang hinataw ng martilyo ng suspek dahilan para magpaputok ang una.
Nagtamo naman ng sugat sa kaliwang bahagi ng mukha ang suspek.
The post Pulis-Maynila minartilyo ng aarestuhing suspek appeared first on Remate.