MAGHAHAIN ng petisyon ngayong linggo ang ilang transport group para hilingin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag-singil sa pasahe, sa gitna ng panibagong oil price hike.
Ayon sa grupo, hihilingin nila ang dagdag na P2.00 sa kasalukuyang minimum fare na P8.00.
Sinabi pa ni Efren de Luna, ang pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), ang panibagong petisyon ay hiwalay pa sa P0.50 provisional fare increase na nauna nilang inihirit sa LTFRB.
Ngayong linggo rin ikinakasa ng ilang militant transport group ang isang kilos protesta laban sa sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Una nang nagpatupad ng P1.35 kada litrong pagtaas sa diesel at P0.35 sa gasolina ang mga kompanyang Petron, Shell, Phoenix Petroleum at PTT Philippines.
Bukod pa rito, may P1.20 kada litro pang umento ang Petron at Shell sa kerosene.
Ayon naman kay LTFRB chairman Winston Ginez, tiniyak nito sa publiko na walang mangyayaring fare increase hanggang sa katapusan ng taon dahil kapos na sila sa pagtalakay sa nakabinbing mga petisyon.
The post Petisyon vs oil price hike inihain ng transport groups appeared first on Remate.