PINASLANG ang isang guro ng kanyang mismong pamangkin sa Purok 5, Barangay Legarda 3, Dinas Zamboanga del Sur makaraang lasunin ng biktima ang dalawang biik ng suspek kaninang madaling-araw, Disyembre 17.
Kinilala ang namatay na si Cayetano Igano Ferrer, 46, binaril ng suspek na si Ronald Igano Aranas, 22, isang magsasaka.
Ayon sa ulat, bago naganap ang pamamaril alas-4:00 ng madaling-araw, pinagsabihan ng masasakit na salita ng biktima ang kanyang pamangkin.
Dahil dito, nagalit ang suspek at kinuha ang kanyang caliber .45 pistol at binaril ang kanyang tiyuhin.
Nabatid na nagsimula ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng suspek at biktima nang lasunin ng napatay na guro ang dalawang biik na pagmamay-ari ng kanyang pamangkin.
Kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na tumakas matapos ang pamamaril.
The post Guro tinodas ng pamangkin sa Zamboanga appeared first on Remate.