PATAY ang 54-anyos na ginang nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang kumakain ng hapunan sa loob mismo ng kanyang bahay ang nauna kagabi sa Parañaque City.
Dead on the spot si Clotilde Alvarez sanhi ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang mabilis na tumakas ang suspek, sakay ng motorsiklong minamaneho ng kanyang kasama patungo sa East Service Road.
Ayon kay Parañaque police chief Senior Supt. Ariel Andrade, naganap ang insidente ng pamamaslang alas-11:20 ng gabi habang kumakain ng kanyang hapunan ang biktima sa kanyang tirahan sa Toyota St., Culdesac, Barangay Sun Valley.
Bumaba ng motorsiklo ang suspek at kaagad na pinasok ang nag-iisang biktima bago pinagbabaril na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Christopher Bilangel, napag-alaman na sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga ang biktima kaya posibleng onsehan sa droga ang dahilan ng pamamaslang.
Nakuha sa tabi ng bangkay ng biktima ang isang sachet na may lamang shabu, ilang piraso ng tingga at basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.
Iniutos na ni Andrade ang malalimang pagsisiyasat sa kaso, kasabay ng pagkilala sa mga suspek at agarang pagdakip sa mga ito.
The post 54-anyos na ginang itinumba sa Parañaque appeared first on Remate.