NILIMAS ng mga miyembro ng “Basag Kotse Gang” ang mahahalagang gamit at cash ng dalawang magkatabing sasakyan na nakaparada sa harapan ng isang flying school kagabi sa Pasay City.
Naghain ng reklamo sa Pasay City police ang mga biktima na kinilalang sina Joel Bobis, 38, ng Blk 8 Lot 20 Teresa Park Pilar, Las Piñas City at ang estudyanteng si Rocel Kara Cadingan, 18, ng 24 Cesna St., Concord Village, MIA Road, Tambo Parañaque makaraang mabiktima ng mga hindi pa nakikilalang kawatan.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-11 kagabi nang matuklasan ng mga biktima ang pagnanakaw nang makitang basag na ang salamin sa gilid ng kanilang sasakyan at wala na ang kani-kanilang mga iniwang gamit makaraang dumalo sa idinaos na Christmas party ng Orient Aviation Flight School sa Andrew Avenue.
Natangay ng mga kawatan sa sports utility vehicle na Kia Sorento (ZNC-156) ni Cadingan ang kanyang itim na bag na naglalaman ng ipod, P5,000 cash, ATM card, student pilot license at iba pang personal na gamit habang apple ipod, P5,000 cash, pilot license at iba pang mahahalagang dokumento na nakalagay sa dalawang bag ang natangay kay Bobis na nasa loob ng kanyang Isuzu Altera (ZPM 622).
Sa pahayag naman ng security guard na si Jonathan Rufin kay Frades, napuna aniya niya ang kahina-hinalang kilos ng ilang mga menor-de-edad na kalalakihan dakong alas-7 ng gabi sa parking area kaya sinita niya ang mga ito at pinaalis sa lugar.
Kaagad namang inimbitahan ng mga opisyal ng barangay at pulisya ang limang binatilyo na nasa pagitan ng edad na 14 hanggang 17, pawang mga out-of-school-youth upang alamin kung may kinalaman sila sa nakawan.
The post 2 pilot students nabiktima ng ‘Basag Kotse Gang’ appeared first on Remate.