SIYAM katao ang sugatan kabilang ang anim na bata sa Dagupan matapos bumaliktad ang sinasakyan nilang kalesa nang banggain ng isang jeep.
Hindi lubos maisip ni Lola Luisa Carlos na ang ilang oras nilang kasiyahan ng kanyang mga apo ay mauuwi sa pagkalagay nila sa peligro matapos masugatan.
Natukoy ang mga biktima na sina Michelle Abad, 25; Carlos, 8; Jensen Carlos, 9; Justine Abad, 5; Renato Carlos, 8; Rosemarie Carlos, 6; Reyman Coquia, 4; at ang kutsero ng kalesa na si Dennis Pasamote, 18.
Napag-alaman na bumangga ang jeep sa likurang bahagi ng sinasakyang kalesa ng mga biktima dahilan upang ito ay bumaliktad na ikinasugat ng mga biktima.
Agad naman silang isinugod sa pagamutan upang lapatan ng lunas at ngayon ay maayos na ang kalagayan.
Nangako namang tutulong sa gastos sa pagpapagamot ang driver ng jeep na si Cris Nuñez na napag-alamang walang dalang driver’s license nang maganap ang insidente.
The post 9 sugatan sa bumaliktad na kalesa appeared first on Remate.