KINARNAP ang sports utility vehicle ng pamangkin ni Speaker Feliciano Belmonte sa Quezon City nitong nakaraang Linggo ng hapon.
Sinabi ni Supt. Limuel Obon, hepe ng Kamuning police station 10 na ang natangayan ng kulay itim na Toyota Land cruiser ay si Raymond Belmonte, 47, ng San Juan City.
Inilarawan ang suspek na nasa pagitan ng 35-38-anyos, 5’5, medium built at nakasuot ng maong pants at t-shirt at may maskara sa mukha at suot na asul na baseball cap.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-3 ng hapon nitong Linggo sa Tomas Morato at Don Alejandro Roces Avenues sa Barangay Obrero.
Ayon kay Raymond, pinarada niya ang kanyang sasakyan ng ilang metro lamang ang layo sa mismong parking space ng Thompson Square Plaza para kumain kasama ang kanyang mag-ina.
Pero habang nasa kalagitnaan na sila ng pagkain, napansin ni Raymond ang suspek na umaaligid sa kanyang saskayan.
Lalo pang nagulat si Raymond nang ilang sandali lamang ay nakita na niyang minamaneho na ng suspek ang kanyang sasakyan at tila parang bulang naglaho sa kahabaan ng Tomas Morato Avenue.
The post SUV ng pamangkin ni SB, kinarnap sa QC appeared first on Remate.