INIULAT ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa 42 ang bilang ng mga biktima ng paputok matapos ipagdiwang ng mga Pinoy ang araw ng Pasko kahapon.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ang naturang bilang ay naitala ng DOH mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 25.
Sa kanyang Twitter account, iniulat pa ni Tayag na ang naturang bilang ay mas mataas kumpara sa 29 firework-related injuries lamang na naitala noong taong 2012.
“As of Dec 25, 6:00AM, 42 firework related injuries compared to 29 in 2012; Of these, FW injuries 40, FW ingestion 1 & stray bullet 1 @dohgovph,” ani Tayag.
Nabatid na kabilang dito ang 40 katao na nasugatan dahil sa paputok, kung saan isa sa kanila ay isang 65-taong gulang na bystander na lolo sa Iloilo City na tinamaan ng ‘di pa matukoy na paputok na naging sanhi ng pagsabog ng kaliwang eyeball nito dakong 6:00 ng gabi ng Disyembre 24.
“Worst nightmare: 65 y/o male from Iloilo, bystander, with ruptured eyeball (left) from unknown firecracker on Dec. 24 6:00PM #APIR @DOHgovph,” aniya pa.
Sinabi pa ni Tayag na isang 1-anyos na lalaki rin na mula sa Quezon City ang iniulat na nakalulon ng paputok na tinatawag na ‘pop-up,’ habang isang 23-anyos na lalaki mula sa Ormoc City naman ang nagtamo ng fracture sa kanyang kaliwang femur matapos na tamaan ng bala sa pigi sa loob lamang ng kanyang tahanan, dakong 1:30 ng madaling araw ng Disyembre 23.
“Stray bullet: 23 y/o male from Ormoc City with open fracture left femur after hit in thigh at home on Dec. 23 1:30am #APIR @DOHgovph,” ani Tayag. “FW ingestion: 1 y/o boy from QC who swallowed ‘pop up’ #APIR @DOHgovph.”
Matatandaang sinimulan ng DOH ang monitoring sa fireworks-related injuries noong Disyembre 21.
Ayon kay Tayag, naitatala ng ahensiya ang mula 10%-15% ng fireworks-related injuries sa bansa sa Holiday season, sa bisperas at mismong araw ng Pasko.
Inaasahan namang patuloy pang lulobo ang naturang bilang bunsod ng nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon, kung kailan mas maraming tao ang inaasahang gagamit ng fireworks, sa paniwalang nakapagpapaalis ito ng malas sa mga tahanan.
Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko na huwag nang magpaputok upang makaiwas na mabiktima nito.
The post Biktima ng paputok, 42 na – DoH appeared first on Remate.