HINIHINALANG ginahasa muna bago pinatay ng ex-convict ang 9-anyos na batang babae makaraang matagpuang wala nang buhay sa isang madamong bakanteng lote, kagabi sa Taguig City.
Patay na nang matagpuan ng mga barangay tanod ang biktima na si Crissa Ann Marasigan, Grade III student, ng Bagong Sikat, Brgy. Sta. Ana, nabatid na lungsod.
Arestado naman sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang suspek na si Mario Cruz, 33, binata, at namamasukan bilang helper sa Tristan Coco Lumber at residente rin malapit sa tinitirhan ng biktima.
Napag-alaman sa record ng pulisya na kakalaya pa lamang ng suspek sa kasong rape kung saan ay nakulong ito ng mahigit 12-taon.
Sa imbestigasyon ni PO1 May Anne Bagunun ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD), alas-7 ng gabi nang utusan ang biktima ng kanyang ina na si Alma na bumili ng diaper para sa nakababata pa nitong kapatid.
Mahigit kalahating oras nang hindi umuuwi ang biktima kaya’t nagpasya nang hanapin ito ni Alma hanggang sa humingi na ng tulong sa mga tanod.
Dito na nila nadiskubre ang karumal-dumal na pagkakapaslang sa biktima kung saan ay hinihinalang ginahasa muna bago pinatay.
Ayon sa pulisya, ginilitan ang leeg ng bata na naging resulta sa pagkamatay nito matapos gahasain dahil nakitang nakababa na ang damit at underwear nito.
Nadiskubre ang bangkay ng bata sa harapang bahay na tinutuluyan ng suspek kaya’t agad nagsagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban dito na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
The post UPDATE: 9-anyos ginahasa, ginilitan sa Taguig appeared first on Remate.