INIIMBESTIGAHAN na ng Pasay City police ang motibo sa pamamaril ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek sa isang barangay hall na nagresulta sa pagkamatay ng isang barangay tanod at pagkasugat ng apat pa kabilang ang kabesa at isang kagawad nito, kagabi sa nabatid na lungsod.
Dead on arrival sa Pasay City General Hospital ang tanod na si John Armiel Quilantang, 20, ng 346 Magtibay St ., M. dela Cruz habang ginagamot naman sa Manila Sanitarium Hospital sina Barangay Chairman Maynard Alfaro, Kagawad Noel Mariano at Jose Maria Mendoza at isang Frank Reyes na pawang nahagip din ng bala.
Batay sa isinumiteng ulat kay Pasay police chief Senior Supt. Florencio Ortilla, alas-9:30 kagabi nang maganap ang insidente habang nanonood ng telebisyon sa loob ng barangay hall sa Barangay 134 Zone 13 ang mga biktima nang bigla silang paputukan ng hindi pa kilalang mga salarin at kaagad na nahagip sa dibdib at kanang braso si Quilantang.
Bagama’t sugatan, nagawa naman nina Alfaro at Mariano na makipagpalitan ng putok kaya’t nagpasya ang mga suspek na tumakas, sakay ng itim na scooter na walang plaka.
Sa kuha ng nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa barangay, unang dumating ang tatlong suspek na sakay ng scooter, isa rito’y nakasuot pa ng PNP athletic uniform, kasunod ang isang silver gray na kotse at isa pang motorsiklo na dalawa ang sakay.
Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, narekober ng mga ito ang ginamit na itim na motorsiklo ng mga suspek na may sticker ng PNP at MPD na inabandona, malapit sa pinangyarihan ng pamamaril. Iniwan din ng mga suspek ang suot na PNP athletic uniform sa tabi ng motorsiklo.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naganap na pamamaril upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga nakatakas na suspek at sa agarang pagkakaaresto ng mga ito.
The post UPDATE: Tanod utas, 3 sugatan sa Pasay shooting appeared first on Remate.